Agriculture Industry Today
SEE OTHER BRANDS

Get your fresh news on agriculture in the world

Senator Francis "Kiko" Pangilinan transcript of privilege speech

PHILIPPINES, August 18 - Press Release
August 18, 2025

SENATOR FRANCIS "KIKO" PANGILINAN TRANSCRIPT OF PRIVILEGE SPEECH
18 AUGUST 2025

Magandang hapon po sa kanilang lahat. This afternoon, I rise on a matter of personal and collective privilege.

Umpisahan ko sa pang karaniwang eksena sa maraming tahanang Pilipino: Almusal, agahan. Nagluto ng instant noodles si nanay para sa tatlo niyang anak. Dinamihan niya ng tubig, para masabaw - para mas marami ang paghahatian. Para lahat ng bata makakain bago pumasok sa eskwelahan.

Sa sobrang normalized, naging viral trend na yung masabaw na instant noodles.

Sa dako naman ng ating mga food producers, ang ating mga magsasaka at mangingisda, sila ang pinakamahirap sa mga mahihirap. Habang ang poverty levels sa buong bansa ay nasa 22%, ang poverty levels sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda ay 30% o halos 30%. Ang average na edad ng ating mga magsasaka ay 56 years old at ang average na kinikita sa isang buwan ay naglalaro sa 7,000 hanngang 11,000 pesos. Mas mababa pa sa sinasabi ng PSA na kailangang kitain para matugunan ang basic needs yung halagang 13,000 pesos a month.

Binabagyo at binabaon ng utang. Kapos sa kapital at pondo, pinagsasamantalahan pa ng mga sugapang trader at mga kasabwat nitong mga kurakot na opisyal ng gobyerno. Pinakamasaklap sa lahat: Kung sino pa ang nagpapakain sa bansa - sa ating lahat, hindi kayang sustentuhan ang pagkain ng sarili at ng pamilya. May rice emergency crisis declaration ang administrasyon ng gobyerno simula pa nung Pebrero.

Distinguished colleagues, Mr. President, our nation of 115 million Filipinos is facing a grim and debilitating food, agriculture, and fisheries crises. In 2015, the Philippines' agriculture imports amounted to $10 billion. Last year, the country imported some $20 billion worth of agri products. 100% increase sa loob lamang ng isang dekada. Pababa ng pababa ang ating local production habang pataas ng pataas ang importasyon. Hindi na kayang bumili ng masarap at masustansyang pagkain ang milyun-milyon nating mga kababayan habang halos wala ng gustong magsaka sa bagong henerasyon ng mga pilipino. At kung wala nang magtatanim sa susunod na henerasyon saan natin kukunin ang ating pagkain? Aasa na lang ba tayo sa importasyon sa bilyon bilyong bigas, isda, karne, gulay? Mananatili na lang bang mahal ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin?

Ano ang ibig sabihin ng food insecurity? By global standards, our food insecurity is high. The united nations' latest state of food security and nutrition report estimates that about 44% of filipinos--roughly 51 million people--experienced moderate or severe food insecurity between 2021 and 2023. Isa sa bawat dalawang mga kababayan natin halos ang nakakaranas o nakaranas ng gutom.

Among children under five, ang pagbabansot o stunting affects 23.6%, ang pagiging wasting o buto't balat 5.6%, and underweight 15.1%. Bago mag 2016 nung tayo ang in charge ng National Food Authority bilang food security secretary, naipababa natin ang presyo ng bigas ng hanggang tatlong piso kada kilo at naranasan ang pinakamababang inflation sa loob ng dalawampung taon noong September 2015. Dahilan ito na nung mga panahon na iyon ay maraming nabibili ang 500 piso at 1,000 piso sa mga palengke.

Nakakalungkot na mamalengke ngayon. Noong isang linggo, pagkatapos ng sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha, namalengke yung isang kaibigan ko na taga-Rizal. Ang sabi niya:

"Dati tipak ng karne nabibili ko. Ngayon tig-isang kilo na lang ang apat na libo ko. Gulay at spices ko 900 plus. Ang bawang 140. Ang sibuyas 145. Kamatis 60. Calamansi 80. At pamatay ang bell pepper, tatlong piraso 65 pesos. Nanay ko gusto ng broccoli. Pikit-mata, 260 ang dalawang piraso."

160 pa rin ang isang litro ng coco oil. 75 naman ang isang kilo ng asukal. Sa kanayunan, sa kabilang dulo ng food supply chain, yung mga magsasaka, naghihinaing din. Lalo na ang ating mga magpapalay. Lalo na ngayong anihan. Mula limang piso hanggang sampung piso kada kilo binibili ang palay. Gayung mga katorse hanggang disisyete kada kilo ang puhunan. Kasama dito ang pataba, binhi, at pestisidyo. Luging-lugi na raw sila. Baon na baon pa sa utang. May nagsasabi pa na di na raw sila magtatanim sa susunod na farm cycle.

The economic bill of malnutrition is staggering. The World Bank has estimated that childhood undernutrition costs the Philippines up to $8.5 billion a year (?496 billion), or roughly 2 to 3% of gdp when you account for lost productivity, healthcare, and education impacts. This is economic self-harm we no longer can afford.

Ano ang mga ugat ng food insecurity?

Una sa lahat, pinabayaan natin ang mga nagpapakain sa atin, ang industriya at sektor nila. Ikumpara natin sa ating mga kapit-bayan: Noong 2020, naglaan ang Thailand ng 3.6% ng kanyang national budget sa agrikultura, Vietnam 6.5%, Indonesia 3.4%. Lahat mas mataas kaysa sa Pilipinas sa 1.7%. Namumuhunan sila sa research & development at extension services.

Ayon sa isang hearing natin noong nakaraang kongreso (2018 / 2019), ang average na taunang kita ng kanilang mga magsasaka ay dalawa hanggang apat na beses na mas mataas kaysa sa ating mga magsasaka. Sa Taiwan, nitong nakaraang taon, ang average na kinikita ng kanilang magsasaka ngayon ay 300,000 pesos kada buwan. Sana man lang, ang budget ng ating agrikultura at ang kita ng ating mga magsasaka at mangingisda ay pantay sa ating mga kapit-bayan. Ibig sabihin, hindi lang underpaid ang ating mga magsasaka at mangingisda, under-equipped at under-supported [din]. Sa larangan ng suporta ng Department of Agriculture, saan tayo nakakita ng sitwasyon na ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na ang mandato ay suportahan [at] tulungan ang mga magsasaka at mangingisda ay hanggang regional level lamang ang presensya at wala ang mga ito sa probinsya o sa bayan?

Bilang naging full time farmer CEO na nagpatakbo ng pribadong farm enterprise sa Alfonso, Cavite, mula pa noong 2012, ang aming farm ay nasa Alfonso, Cavite ang Lipa, Batangas office ng DA ay nasa Lipa, Batangas halos anim na oras balikan ang biyahe patungong Lipa mula sa Alfonso at pabalik. Paano pa kaya ang mga taga Rizal o Bondoc Peninsula? Kailangan baguhin ito. Kailangan din baguhin ang kakulangan ng pondo para sa sektor.

"Kaya bang maging 20 pesos ang presyo ng isang kilo ng bigas tinanong sa akin ng media. Ang sagot ko ay ganito: sana ng inansunsyo ito ni pangulong BBM nung 2022 sinunod niya ang anunsyo ng at upang makamit ito ay ilalaan natin ang dagdag na 50 hanggang 100 bilyong piso na budget ng DA taon-taon upang pagdating ng 2028 o six years later, mahigit kalahating trilyon na ang budget ng Department of Agriculture, at ang bulto dapat ng dagdag na pondo ay ilalaan sa direktang suporta sa ating mga magsasaka at mangingisda sa usaping mechanization, abono, pestisidyo, punla, access to credit, dagdag na crop insurance, health, accident insurance, extension service, atbp. para tumaas ang kita at ani at huli ng ating sektor ng magsasaka at mangingisda. Ito ang isa sa nawa'y ipaglalaban natin taon-taon upang umabot na ng mahigit 500 bilyong piso ang budget ng agri bago matapos ang termino ng pangulo sa 2028.

Ano ang resulta sa kakulangan ng suporta? Nananatiling isang kahig, isang tuka ang ating mga magsasaka at mangingisda. Bagsak ang kita at ani at huli. Mahal ang pagkain at gutom ang milyun-milyon nating mga kababayan lalo na ang ating mga anak.

Base din sa datos ng DA, dahil bagsak ang ating agriculture productivity halos kulelat ang pilipinas sa agri exports sa ASEAN. Ang export ng produktong agrikultura noong 2024 ng Indonesia ay $49.4 billion habang ang Thailand [ay] $46.1 billion, ang Vietnam ay $35.6 billion, Malaysia $31 billion, Singapore $14.1 billion, at ang Pilipinas $7.8 billion. Tama po ang narinig ninyo, ginoong pangulo, ang Singapore na di hamak na mas maliit ang sukat ng land area kumpara sa national capital region at may populasyon lamang na 5.8 million ay halos doble ang agri export kumpara sa atin. Nakakapanlumo ang mga datos gayong marami sa mga taga Thailand, Vietnam, at Indonesia ay dito sa UP Los Baños dito sa IRRI nag-aral ng agriculture.

Pangalawa sa ugat ng krisis, ang daming nawawala sa buong food supply chain. Post-harvest losses in rice alone [are] pegged at around 14 to 15% or about close to 2 million tons of rice that could have fed millions. They slip away during drying, milling, and storage because we lack dryers, warehouses, silos, cold chains, etc. Bunga rin ito ng kakulangan at pagpapabaya sa ating mga food producer.

Pangatlo, disaster zone ang pinas. Number 1 in the world risk index, the most disaster-prone globally sa bawat bagyo, tagtuyot, baha, inaanod ang ating seguridad sa pagkain. Pag walang suporta ang magsasaka at mangingisda matapos ang kalamidad, mananatiling baon, mananatiling hirap, mananatiling hindi makakapag ani ng maayos.

Pang-apat ay katiwalian at kurakot sa mga ahensya na direktang may kinalaman sa sektor. Habang tadtad tayo ng natural disasters sa hanay ng agrikultura, tadtad din tayo ng man-made disasters. Kung hindi sa usapin ng makupad na kilos ng gobyerno o kakulangan ng tauhan at pondo, man-made disaster din ang pangungurakot sa gobyerno [at] sa lantarang smuggling ng produktong agrikultura, sabwatan ng mga traders, middlemen, importers, brokers, smugglers, sabwatan nila sa ilang mga nasa DA, BOC (Bureau of Customs), BIR, NFA, NBI, PNP pati rin ang mga pribadong mga bangko. Lantaran din ang mga rigged at overpriced na bidding ng pataba, mga kagamitan, mga pestisidyo, mga ghost deliveries, pekeng mga farmers beneficiaries - kamadang sindikato ang nakapaligid sa sektor ng agrikultura sa kasalukuyang dapat na wakasan. Sa usapin ng smuggling ng produktong agrikultura. Ito ang pumapatay sa mga lokal na mga lokal na producers ng bigas, baboy, manok, gulay atbp. Hanggang ngayon, mula noong 2016 noong naipasa ang batas na ginawang non-bailable ang smuggling ng produktong agrikultura sa halagang 1 million sa isda at gulay hanggang 10 million sa bigas, sa awa ng Diyos, hanggang ngayon, wala pa rin nakukulong na smuggler o importer.

Habang pinapalakas ang nasabing batas, naipasa naman noong nakaraang September 2024 ang anti-agri econ smuggling act, tatlong kaso ang naisampa subalit wala pa ring na issue na mga warrant of arrest at wala pa rin nakukulong na bigtime smuggler, broker, o importer. Sa nakaraang taon lamang, 100 milyong pisong halaga ng smuggled na frozen meat sa cavite nasamsam, 100 milyong piso na halaga ng sibuyas at bawang sa Marilao, Bulacan, nakumpiska 115 milyong piso na sibuyas sa subic, 1.9 bilyong pisong halaga ng imported na bigas na na-report na nakumpiska ng DA subalit wala pa rin nakakulong na smuggler o importer.

In fairness kay Secretary Kiko Laurel, pilit niyang nilalagay sa ayos ang ahensya. Ngunit sa aking karanasan sa pagiging Cabinet Secretary, alam kong hindi madali ang kanyang trabaho at higit sa lahat ay kailangan niya ng tulong upang linisin ang deka-dekadang taong sistema ng katiwalian sa ahensya. Naghahanap ng solusyon si Sec. Kiko at ito ang dapat naman talagang gawin. Ganun din ang pagkaalam ko sa bagong itinalagang Commissioner ng Customs na si Ariel Nepomuceno. Umaasa tayo na kikilos si Commissioner Nepomuceno sa usapin ng pagsamapa ng mga kaso laban sa mga smuggler - non bailable na kaso. Nakatrabaho ko si Commissioner Nepomuceno noong siya ay Deputy Commissioner pa noong panahon ni Pangulong Aquino sa Bureau of Customs at nakasama ko siya nasamsam ang daang milyong pisong halaga ng smuggled na bigas noong ako ay food security secretary. May balita din ako noong Biyernes lamang, sa kauna unahang port collectors meeting ni Commissioner Nepomuceno sinabi niya ito sa harap ng mga port collectors, titiyakin niya na sasampahan ng kasong economic sabotage na non-bailable ang mga brokers, importers at pati BOC personnel na sangkot sa smuggling at kriminalidad - babantayan natin ito. Sa halip na bumabaha ng korapsyon, dapat bumabaha ng solusyon. At may limang solusyon ang nais nating isulong sa problema ng food security.

Unang-una, to squarely address the agriculture, fisheries, and food crisis currently facing the nation, similar to its response to the crisis in Philippine education, Congress should by law create an agri and food commission that will further seek to identify and fully understand the challenges and problems facing agriculture and fisheries and the nation's efforts at achieving food security and our citizen's access to affordable and nutritious food and provide the necessary solutions and action steps to address the crisis. This morning we filed a Senate Bill to this effect.

Pangalawa, kailangan repasuhin ang rice tariffication measure upang mas mahigit na mabantayan ng NFA ang supply ng bigas at habulin ang mga mapagsamantalang mga trader at hoarder at habang binibigyan ng dagdag na suporta naman ng DA ang ating mga magsasaka sa usapin ng cash assistance, seedling support, equipment, dryers, warehousing, atbp.

Pangatlo, repasuhin ang mga batas sa agriculture co ops at extension service upang ibalik sa DA ang pangangasiwa ng agri co ops at ibalik din ang bureau of agriculture extension services na hanggang sa lebel ng probinsya at mga bayan, mga municipalities, inihain na natin ang dalawang panukalang batas hinggil dito nung nakaraang linggo, uumpisahan natin ang mga hearing tungkol dito at hinihiling natin sa pangulo na i-certify itong mga bills bilang urgent. Extension service at pagpapalakas ng Agriculture co ops under the DA.

Pang-apat, full implementation ng Sagip Saka Act. Gamitin ang RA 11321 upang direktang bumili ang mga ahensya ng pamahalaang pambansa at mga LGU sa ating mga farmers at fisherfolk na walang middlemen at walang public bidding -- negotiated contract para sa mga programa sa feeding programs, sa mga ospital, mga jails, calamity relief operations, mga barracks ng AFP at PNP. Tiyak, kapag naimplementa ng tama at ng buo, sabay na gagalaw ang pagkain at kita. Magbigay ng mga naka-template na kontrata, mag price reference, at pagsasanay para mabilis na maisagawa ng mga LGU. Magtakda rin ng floor price sa palay na ipapatupad ng gobyerno habang binibili nito sa ating mga magsasaka ang usaping palay purchases.

Hinihiling rin natin sa Pangulo na mag-issue ng EO (Executive Order) upang atasan ang DA at DTI at lahat ng ahensya ng pamahalaan na bumibili ng pagkain upang ma-implementa agad ang pagsasagawa ng negotiated contracts sa ilalim ng Sagip Saka Law para naman sa darating na pasko ay may dagdag na kita at panggastos ang ating mga magsasaka at mangingisda lalo na't anihan na sa darating na setyembre hanggang disyembre. Hinihiling rin natin: pass the Libreng Almusal Bill requiring minimum share of schools and hospitals to be procured via the Sagip Saka with nutrition smart menus.

Panglima, madaliin ang mga sumusunod:

  • Certify as urgent the agricultural land conversion ban.

  • Constitute the congressional oversight committee on anti-agricultural economic sabotage (COCAAES) under section 25 of RA No. 12022.

  • File economic sabotage cases against traders buying palay at P5/kilo from farmers (Sec 3(e) of RA no. 12022 or the anti-agricultural sabotage act) against smugglers and hoarders.

  • Tap the over 25,000 graduates of academic degrees in agriculture from state universities and colleges, other government schools, and local universities to occupy the 2,500 vacancies in the department of agriculture (DA) as the first step to address extension services and strengthening agricultural cooperatives;

Sa larangan na ito, mga kasamahan sa senado, bilang pang wakas, ano nga ba ang mukha ng tagumpay? Wala nang batang pumapasok sa eskwela ng gutom. Taon-taon pababa na ang kaso ng pagkabansot o ang pagka buto't balat. 'Di na kasama ang mga magsasaka at mangingisda sa listahan ng pinaka mahirap dahil sapat na at buo ang extension service at pag oorganisa nila sa ilalim ng mga kooperatiba. Bumibili na rin sa kanila ng direkta ng mas madalas at mas patas. Mas maraming itlog, isda, munggo, prutas, at gulay na sa mga palengke, at sa mga presyong abot-kaya ng mga pamilyang pilipino.

Hinaharap natin ang mga bagyo at tagtuyot mga kalamidad nang handa, hindi ng panic. Dahil naitayo natin ang mga sistemang para sa realidad na number one tayo sa peligro.

At kung magkagulo man ang mundo, di tayo masyadong maapektuhan sa pagkain dahil mas matatag, mas wa-is, at mas patas na ang sistemang pang-agrikultura at pang-nutrisyon.

Tara na, pagtulungan na natin. Magbayanihan tayo. Maraming maraming salamat.

Legal Disclaimer:

EIN Presswire provides this news content "as is" without warranty of any kind. We do not accept any responsibility or liability for the accuracy, content, images, videos, licenses, completeness, legality, or reliability of the information contained in this article. If you have any complaints or copyright issues related to this article, kindly contact the author above.

Share us

on your social networks:
AGPs

Get the latest news on this topic.

SIGN UP FOR FREE TODAY

No Thanks

By signing to this email alert, you
agree to our Terms & Conditions